Dalawang bagyo at isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang kasalukuyan umanong binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa public weather forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw nitong Martes, Oktubre 10, inulat ni Weather Specialist Grace Castañeda na patuloy nila mino-monitor ang bagyong Koinu (dating bagyong Jenny) sa labas ng PAR, kung saan huli umano itong namataan 1,025 kilometro ang layo sa kanluran ng Extreme Northern Luzon.
Wala naman na umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Ang ikalawa namang bagyo na mino-monitor din umano ng PAGASA ay may international name na “Bolaven” na huling namataan sa layong 2,385 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.
“Nananatiling mababa ang tsansa nito na pumasok sa loob ng ating [PAR] at sa kasalukuyan ay wala rin itong direct effect sa anumang bahagi ng ating bansa,” ani Castañeda.
Samantala, isang low pressure area (LPA) din ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng PAR.
Huli umano itong namataan 1,170 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.
Ayon kay Castañeda, nananatiling maliit ang tsansang maging bagyo ang nasabing LPA sa loob ng 48 oras.
Posible naman itong makapasok ng PAR sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Sa ngayon ay posible umanong magdala ang trough ng LPA ng mga kalat-kalat na pag-ulan sa Mindanao, Bicol Region, Eastern Visayas, at Central Visayas.
Maaari rin umanong makaranas ng isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa trough ng LPA o sa localized thunderstorms.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malakas na pag-ulan o thunderstorms.