Sa kabila ng kaliwa't kanang pambebembang at mga ibinabatong paratang sa kanila ng asawang si Mikee Agustin, nag-post ang toy collector at dating miyembro ng all-male dance group na Streetboys na si Yexel Sebastian tungkol sa isyu.
Ayon sa kaniyang Facebook post noong Oktubre 6, wala pa siyang opisyal na pahayag patungkol sa bintang na marami umano silang mga nabiktimang overseas Filipino workers o OFW sa isang investment scam.
Aniya, "People wala pa kaming statement ha, paalala lang Ayaw ko lang bumalik sa inyo mga sinasabi nyo
hindi nyo pa alam ang TUNAY na kwento 🙂
Lumabas ang ilang mga OFW na nag-post sa social media kung paano raw sila nahikayat ng mag-asawang Yexel at Mikee na maglagak ng pera sa inoffer nilang ₱200-M investment scam. Hindi pa raw dumarating ang return of investments sa mga taong nagkatiwala ng pera sa kanila.
Nakarating na rin ang isyu sa public affair show na "Raffy Tulfo in Action." Iginiit umano ni Yexel na hindi sila ang may-ari ng investment. Ang mga pera umanong inilagak ng mga investor ay dinala sa isang casino junket.
Maging ang showbiz columnist na si Ogie Diaz ay nanawagan na rin kay Yexel na sana raw ay maayos na ang gusot na ito.
"Sagutin n'yo naman ‘yong mga investors n'yo, kawawa naman. Hindi nila alam kung papaano kayo kokontakin at kung papaano nila makukuha ang kanilang in-invest. Siyempre pinaghirapan pa rin natin ‘yong pera diyan kaya dapat maibalik," ani Ogie.
Kaya naman sa kaniyang TikTok account ay binalikan ng mga netizen ang kaniyang video kung saan ipinakita niya ang hitsura ng mga bundle ng pera kung ito ay ₱100k at ₱1M kung puro ₱1,000 at ₱100 bills.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang updates ulit si Yexel tungkol sa isyu. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.