Nakiisa si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa tree planting activity sa iba't ibang pampublikong paaralan, kaugnay ng pagdiriwang ng World Teachers' Day noong Oktubre 5.
Sa ulat ng DepEd Philippines sa kanilang opisyal na Facebook page nitong Lunes, Oktubre 9, makikitang kasama si VP Sara sa mga nagtanim ng puno, na isa sa mga adhikain ng kagawaran upang mai-promote ang kahalagahan ng pagtatanim sa mga mag-aaral.
"ICYMI: Bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day 2023 nitong Oktubre 5, nagsagawa ng tree planting activity ang Office of the Vice President (OVP) sa pangunguna ni Vice President and Education Secretary Sara Z. Duterte," mababasa sa caption.
"Sa kabuoan, nakapagtanim ang opisina ng humigit-kumulang 3,000 mga puno sa mga partner na paaralan sa buong bansa," dagdag pa.
Batay sa ulat, ang sumusunod ay ang mga paaralang naging benepisyaryo ng tree planting activity ng OVP:
- Andres Bonifacio Elementary School, Bacolod
- Sero Elementary School, Maguindanao
- Alegria Central Elementary School, Cebu
- Leon Francisco Maramba Elementary School, Dagupan
- Don Francisco Dizon Sr. Elementary School, Davao
- Simanu Norte Elementary School, Isabela
- Cagbacong Elementary School, Legazpi City
- La Trinidad Integrated School, Butuan City
- Northern Tacloban City National School, Tacloban City
- Canelar Integrated School, Zamboanga City
Inaasahang sa mga susunod na araw ay magpapatuloy pa ang gawaing ito.