Isang Pinoy ang sugatan habang lima pa ang nawawala kasunod nang naganap na Hamas attack sa Israel nitong weekend.

Sa isang panayam sa telebisyon nitong Lunes, iniulat ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang naturang Pinoy ay nadaplisan ng bala sa kanyang braso at nilalapatan na ng lunas sa pagamutan. Nasa maayos naman aniya itong kalagayan sa ngayon.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Mayroon pa rin naman aniyang limang Pinoy sa Israel ang pinaghahanap pa nila sa ngayon.

Dalawa aniya sa mga ito ang magkasamang nagtatrabaho sa isang farm habang ang tatlo pa ay sa magkakahiwalay na lugar naman nagtatrabaho.

Paglilinaw naman ni Cacdac na hindi nila iniisip na napahamak ang mga ito at sa halip ay maaari aniyang nasa isang safe room o ligtas na tahanan na malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan at hindi sa lugar kung saan sila unang nairehistro.

"It’s possible that they are in safe rooms or in houses where they are far from or not where they were initially registered. In other words, they [may have] transferred or decided to move to places where their fellow Filipinos might be or where they feel they would be safer," pahayag pa ni Cacdac.

Dagdag pa niya, "We are not necessarily thinking that they’re in harm’s way, but rather it’s just a matter or an effort to find them, locate them."

Samantala, iniulat din ni Cacdac na nasa 25 overseas Filipino workers (OFWs) na at kanilang mga pamilya ang kanilang natulungang mailipat sa mas ligtas na lugar sa Israel matapos ang mga pag-atakeng naganap nitong weekend.

Batay sa ulat, ang death toll mula sa kaguluhan ay umabot na sa 1,100 hanggang nitong Lunes, na siyang ikatlong araw ng sagupaan.