Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Linggo na umaabot na sa 5,200 show cause orders (SCOs) ang naipadala nila sa mga kandidato para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Garcia, sa 5,200 SCOs na kanilang nailabas, mahigit 1,000 kandidato na ang sumagot.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Base naman aniya sa kanilang initial assessment, sa naturang 1,000 sumagot sa SCOs ay nasa 300 ang ‘hinog na hinog’ para sa diskuwalipikasyon.

“Nakaka-5,200 na tayo na na-show cause order at mahigit 1,000 ang sumagot. Sa 1,000 na ‘yan, base sa initial assessment, mga 300 ang hinog na hinog para sa disqualification,” pahayag pa ni Garcia, sa panayam sa radyo.

Samantala, nabatid na hanggang Oktubre 6, umaabot na sa 82 petisyon para sa diskuwalipikasyon ang naihain ng Task Force Anti-Epal ng Comelec.

Mayroon din umanong 10 kandidato ang kinasuhan dahil sa umano’y pamimili ng boto.

Tiniyak naman ni Garcia na bago sumapit ang mismong araw ng halalan ay dedesisyunan nila ang mga naturang kaso.

Susulong din aniya ang mga kaso kahit sumagot o hindi sumagot ang mga kandidato sa kanilang ipinadalang show cause orders.

Binigyang-diin ni Garcia na nais nilang ipakita sa lahat na hindi lamang ningas-kugon at pakitang-tao ang Comelec dahil talagang seseryosohin nila ang paghahain ng kaso at pagpapadiskuwalipika sa mga kandidatong mapapatunayang lumalabag sa mga patakaran ng poll body.

Ang 2023 BSKE ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30.