Isang araw lamang matapos niyang ibahagi ang pagsilang ng kaniyang ikaapat na anak na si Baby Leon, inihayag ni "Pepito Manaloto" actress Janna Dominguez ang pagpanaw ng kaniyang 20-anyos na anak na si Yzabel Ablan.
Sa kaniyang Instagram post, sinabi ni Janna na namaalam si Yzabel noong Sabado, Oktubre 7, dahil umano sa “sudden heart failure” at “lung infection.”
“Sa sobrang ayaw nya nakaka abala ng ibang tao hindi nya sinabi samen mga nararamdaman nya. Nag pa-check up sya the day before and doctor gave her meds na kaya iniisip namen ok na. Then bigla nlang ganon,” ani Janna.
“She was at her condo in manila when she suddenly had a hard time breathing kasama nya Yaya ate Iyn nya that time. Ate Iyn called us kaya dumiretcho na kme agad ng Manila. Pero wala after multiple attempts to revive her, wala na tlaga,” pagbabahagi pa niya.
“God called her back home na..🥺🙏 We Love you our Chabelits so much ❤️❤️.”
Sa naunang Instagram post ng aktres ay ibinahagi niyang gaganapin ang burol ng kaniyang anak mula Oktubre 8 hanggang Oktubre 12 sa La Pieta Funeral Homes, Angeles, Pampanga.
“We invite those who wish to pay their respects and celebrate her life to visit. Knowing Yza it will mean a lot to her,” saad ni Janna.
Kilala si Janna sa kaniyang role na “Maria” sa “Pepito Manaloto.” Bukod kay Yzabel, may tatlo rin siyang anak sa partner niyang si Mickey Ablan: sina Caely, Gabby, at baby Leon.