Idinetalye ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang mga tulong na ibibigay umano ng DepEd para sa pamilya ng Grade 5 student na nasawi 11-araw lamang matapos umanong sampalin ng sariling guro sa loob ng kanilang silid-aralan sa Antipolo City.
Sa Facebook post ni Duterte nitong Linggo, Oktubre 8, nagbahagi siya ng ilang mga larawan ng kaniyang personal na pagbisita sa burol ng estudyanteng si Francis Jay Minggoy Gumikib, na namatay dahil umano sa pamamaga ng utak.
“Meron ding insidente ng pananampal ng isang guro kay Francis bago ito namatay. Para masabi ang totoong dahilan ng pagkamatay ay inaantay ang resulta ng ginawang autopsy,” ani Duterte.
Inihayag naman ng bise presidente ang mga napag-usapan umano nila ng mga magulang ni Gumikib para matulungan ang mga ito.
Ayon kay Duterte, sisiguraduhin umano ng DepEd na mas magiging mabilis ang administratibong proseso hinggil sa nangyari sa estudyante.
“Ang Regional Office ay binigyan lamang ng hanggang Lunes, October 9, 2023, upang tapusin ang fact-finding investigation nito at mag issue ng formal charges na may pansamantalang pagsususpinde laban sa mga sangkot sa isyu. Kasama sa usapan ang posibleng kaso ng child abuse dahil sa pananampal,” pahayag ni Duterte.
Bukod dito, tutulungan din umano ng DepEd ang mga magulang ng mag-aaral sa paghahain ng mga kasong kriminal sa mga kinauukulang awtoridad kung may basehan umanong ebidensya at autopsy result hinggil sa nangyari.
Saad pa ni Duterte, agad na magbibigay ang DepEd ng “Psychological First Aid” para umano sa mga magulang at mga kapatid ni Gumikib.
“Para sa kanilang mga nakatatandang anak na hindi pa nag-aaral, hinikayat sila na bumalik sa paaralan sa pamamagitan ng late enrollment, o sa pamamagitan ng DepEd Alternative Learning System (ALS),” ani Duterte.
“Para sa kanilang mga nakababatang anak na na-trauma sa pangyayari at nahihirapang pumunta ng personal sa paaralan, pinag-usapan na isailalim sa blended learning upang magpatuloy at hindi maantala ang kanilang pag-aaral,” dagdag pa niya.
Matatandaang inihayag kamakailan ng Antipolo City Police na dakong alas-9:00 ng umaga noong Setyembre 20, 2023 nang maganap ang pananampal ng guro kay Gumikib sa loob umano mismo ng kanilang silid-aralan.