Diretsahang pinuna at kinastigo ng dating GMA Network sportscaster na si Chino Trinidad ang launching ng Artificial Intelligence (AI) sportscasters ng dati niyang home network, matapos itong umani ng katakot-takot na reaksiyon at komento mula sa netizens.

Sa panayam ng "Politiko" kay Chino, tahasan niyang sinabing "tanga" ang nagpapatakbo ng sports department ng Kapuso Network, matapos mahingi ang pananaw at saloobin niya tungkol dito.

Naniniwala ang sportscaster na hindi dapat gamitin ang AI sa pagbabalita para lamang masabing advanced technology ang ginagamit nila.

Ipinakilala nga ng network sina "Marco" at "Maia" bilang mga bagong AI sportscasters.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"Unfiltered na sagot? Doon mo malalaman tanga nagpapatakbo ng sports ng GMA," aniya.

"You want unfiltered 'di ba? So stupid the guys running sports ng GMA is or are. Bakit? Sports is spontaneous. It's about reaction. It's about emotion. 'Yong AI meron ba no'ng tatlong 'yon?" ani Chino.

Dagdag pa niya, "Sports is predicated on reaction sa lahat ng bagay. How can AI react quickly at ipapakita ang emotions? Kaya nga nag­lalagay ng sportscaster diyan dahil sila ‘yong nagi­ging tulay nong nagaganap sa gustong makaramdam ng kaganapan."

“Mabuti pa ‘yong AI kahit artificial, may intelligence. ‘Yong mga nagpapatakbo ng sports, I doubt," pasaring pa ni Chino.

Matatandaang noong Setyembre, nagbitiw sa Kapuso Network si Chino sa loob ng 23 taong paglilingkod dito.

Ayon pa rin sa panayam ng Politiko, ibinuking ni Chino na tila "mapait" ang naging paglisan niya rito, dahil sa ilang isyu, gaya ng pagtatanggal sa accreditation sa FIBA, ang international basketball federation.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng GMA Network, lalo na ang mga namumuno sa GMA Sports hinggil sa mga patutsada ni Chino.

MAKI-BALITA: Pinakaunang AI-generated sportscasters ng ‘Pinas, ipinakilala ng GMA Network

MAKI-BALITA: ‘Bakit ‘di na lang totoong tao?’ AI sportscasters ng GMA, umani ng reaksiyon

MAKI-BALITA: GMA Network, ipinaliwanag ang magiging papel ng AI sportscasters