Naglabas ng kaniyang pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa “survey” bilang ginagawang sukatan kung maganda ba ang performance ng isang opisyal ng gobyerno.

Sa kaniyang vlog na may pamagat na “Libreng bigas,” inilahad ng Pangulo ang naging pamamahagi ng kaniyang administrasyon ng bigas sa iba’t ibang dako ng bansa.

Ang naturang ipinamahaging bigas ay mula umano sa mga nakumpiskang smuggled rice sa isang warehouse sa Zamboanga kamakailan.

Kaugnay nito, sinabi ni Marcos na mas pinagtutuunan niya ng pansin ang pagpapababa ng presyo ng mga bilihin kaysa raw sa kaniyang ratings sa survey.

Approval, trust rating nina PBBM at VP Sara, bumaba – Pulse Asia

Sinabi ito ng Pangulo matapos ilabas ng Pulse Asia kamakailan na bumaba ang kaniyang approval rating mula sa 80% noong Hunyo 2023 patungo sa 65% nitong Setyembre 2023.

“Katotohanan niyan, hindi masyado nating tinitingnan ang survey number,” ani Marcos. “Ang tinitingnan natin kung talaga bang bumababa ang presyo ng bigas at kung talaga bang umaabot ang supply ng bigas sa lahat ng ating mga mamamayan. Iyan ang tunay na panukat kung talagang tama ang ating ginagawa.”

“At nakikita naman natin sa resulta, pag-stabilize ng presyo dahil sa price cap at sa pagtanggal ng price cap, at sunod na diyan ‘yung ibang mga estratehiya para tulungan natin ang ating mga farmer para naman hindi naman nalulugi ang ating mga magsasaka," saad pa niya.

Sinabi rin ng Pangulo na patuloy umanong gagawin ng pamahalaan ang lahat upang “masiguro ang tuloy-tuloy na pag-stabilize at pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.”

"Walang ibang sukat sa ating panunungkulan ang tumutumbas sa makita ngayon kung komportable at maginhawa ang tao. ‘Yan ang aking sukatan," saad pa ni Marcos.