Inamin ni TV personality na si K Brosas na hindi umano maayos ang relasyon niya sa kaniyang ina hanggang ngayon nang kapanayamin siya ni Karen Davila nitong Biyernes, Oktubre 6.
Matatandaang sa isang hiwalay na artikulo, ibinahagi ni K ang mga naranasan niya nang mag-suffer siya sa chronic anxiety na maiuugat umano sa kaniyang pagkabata.
Ipinaampon kasi si K ng kaniyang sariling ina sa kapatid nito matapos siyang isilang. Bagama’t grateful umano siya sa pagkupkop ng tita niya sa kaniya, hindi maiwasang kumirot ang sugat niya bilang isang ampon lalo pa’t iyon umano ang ipinang-aasar ng mga pinsan niya sa kaniya kapag nag-aaway sila ng mga ito.
“Ang hirap n’on, as a child. Of course, hinahanap mo ang nanay mo,” sabi ni Karen.
“Oo, nakikita ko rin naman siya. Paminsan-minsan. Hindi ko alam kung generation natin ba ‘yun. Na talagang ‘yung mga magulang natin is, uhm, hindi mapa-i love you. Hindi maganoon [...] Tapos, laging mabigat ang kamay.”
Pasubali naman ni K, kasalanan din umano niya kung bakit minsan, napagbubuhatan siya ng kamay dahil sa pananagot niya at mga kasutilang ginagawa na hindi naman daw niya jina-justify.
“Pero dahil sa sabi ng psychiatrist ko, hindi mo siya jina-justify. Fact ‘yun, e. Traumatic ‘yung childhood mo kaya ganoon. Kaya naging rebelde. Kaya at the age of 18, nag-abroad ako.”
“At noong nag-abroad ka, anong nangyari?” tanong ni Karen.
Tugon ni K: “Okay naman din. Walang ipon-ipon. Shushunga-shunga sa pera. Kung anong suswelduhin ko, ipang-iinom ko lang. Syempre nag-iba noong nagkaanak na ako.”
Nang tanungin siya ni Karen kung naghilom na ba ang sugat ng nakaraan, naisip daw ni K na sana’y nagsalita siya; hindi kinimkim ang mga naramdaman. Sabi niya pa, hindi ganoon kadaling kalimutan ang ginawa ng nanay niya sa kaniya bagama’t napatawad na niya ito nang bahagya.
“Pero hindi porke ibig sabihin, forgiveness means re-entry. Pero siyempre ‘pag nakita ko naman, hindi ko naman babastusin,” paliwanag pa ni K.
MAKI-BALITA: K Brosas, dumaan sa depresyon