Kaagad na humingi ng dispensa ang "E.A.T." host na si Vic Sotto patungkol sa binitiwang biro ng kanilang guest-contestant na isa umanong retiradong sundalo hinggil sa dahilan kung bakit nakahiga lagi sa kama ang misis nito.

Ang nabanggit na ex-militar ang mapalad na nabunot ni Bossing Vic na grand daily winner para sa segment na "Sugod Bahay."

Habang kinakapanayam ito nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Zombie ay naibida ng matanda na ayaw lumabas ang misis niya mula sa kuwarto at lagi raw itong nakahiga sa kama.

Sa pag-aakalang nakaratay sa banig ng karamdaman ang misis nito, nagtanong si Bosing kung ano nga ba ang dahilan nito.

National

Inflation, 'most urgent concern' na dapat pagtuunan ng PBBM admin -- OCTA

Hirit nito na ikinawindang ng hosts, “Eh naghihintay na may pumatong!”

Mabuti na lamang at mabilis at maagap na nagproseso ang hosts na ito ay biro-biro lamang. Aminado naman ang contestant na "panggabing" biro ang binitiwan niya.

Agad namang humingi ng paumanhin sa publiko si Vic.

“Kung anuman ‘yong nabanggit ni Kuya kanina ay huwag n’yo naman bigyan ng malisya. Ito ay kuwento-kuwentuhan lang. Biro-biruan lang. Baka na naman bigyan ninyo ng ibang ibig sabihin, bigyan ng malisya. Eh wala po yon,” sey ni Vic ilang minuto matapos ang panayam sa contestant.

Matatandaang hanggang ngayon ay wala pang feedback ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sa isyu naman ng "lubid joke" ni Joey De Leon.

Ang kanilang katapat na "It's Showtime" ay suspendido na sa loob ng 14 araw, at hindi na umapela pa sa MTRCB.

Bali-balitang kasado na rin ang temporaryong papalit dito, na may title daw na "It's Your Lucky Day" subalit wala pang kumpirmasyon mula sa mga nabanggit na hosts o maging sa ABS-CBN tungkol dito.