Hinamon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga hayagang kritiko ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na magsampa ng kaso kapag may ebidensya umano silang ibinulsa nito ang confidential at intelligence funds (CIFs) ng kaniyang tanggapan.
Sa panayam ng DZBB nitong Linggo, Oktubre 8, sinabi ni Dela Rosa na wala raw siyang nakikitang mali sa kung paano ginastos ang confidential funds ni Duterte noong alkalde pa lamang ito ng Davao City mula 2016 hanggang 2022.
Matatandaang isiniwalat kamakailan na ang lokal na pamahalaan ng Davao City sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang alkalde, mula 2016 hanggang 2022, ay nakatanggap umano ng kabuuang ₱2.697 bilyong confidential funds, o tinatayang ₱460 milyon kada taon.
Bukod dito, umani rin ng kritisismo kamakailan si Duterte matapos ihayag ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na nagastos ng Office of the Vice President (OVP) ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds nito noong 2022 sa loob ng 11 araw, mas maikling panahon kaysa sa naunang naiulat na 19 araw.
MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo
“Wala akong nakitang mali sa ginawa, kung may nakita ako, sasabihan ko siya mali ‘yan, Day. Napakaganda ng kaniyang hangarin na maiwasan ang kabataan na marecruit sa armado, CPP-NPA, lahat tayo parents gusto natin,” giit naman ni Dela Rosa.
“Normal lang sa tao ‘yan na mag react in that manner. Kung may ebidensya tayo na ibinulsa, kasuhan natin. Ako mismo kahit close na close si VP, parang kapatid, kung may ebidensya kasuhan natin,” saad pa niya hinggil sa mga kritiko ng confidential funds ni Duterte.
Samantala, muling inihayag ng senador ang kaniyang suporta sa naging pahayag kamakailan ni Duterte na: “Ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan.”
MAKI-BALITA: VP Sara: ‘Ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan’
“May punto siya diyan. Nakita mo sino nagkukumahog mawala ang CIF ay mga kaliwa, at kaalyado ng kaliwa. Sino ba tatamanan ng CIF? Alam natin gagamitin ni VP Sara yung CIF sa kaliwa,” giit pa niya.
Matatandaan namang nagdesisyon kamakailan ang Kongreso na aalisin na ang pinagsamang ₱650 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd para sa 2024, upang ilipat umano sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
MAKI-BALITA: ₱650-M confidential funds ng OVP, DepEd ililipat sa security agencies – House leader