* Trigger warning: Ang artikulong ito ay naglalaman ng usapin hinggil sa “depresyon” at “suicide.”

Ikinuwento ng aktor na si Baron Geisler ang kaniyang mga pinagdaanan matapos pumanaw ang kaniyang ina nang kapanayamin siya ni ABS-CBN news anchor Bernadette Sembrano nitong Sabado, Oktubre 7.

Tinanong kasi ni Bernadette si Baron kung nauubos daw ba ang second chance sa buhay o kung dapat ba talaga itong ibigay sa isang tao.

Sagot ni Baron: “Alam mo, nagugulat talaga ako. Na parang wala pa yatang nabibigyan ng fifth, seventh, tenth chances. Ako pa lang. sa tingin ko, ha, sa industriyang ‘to. It really depends”.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Pero sabi niya, lagi umanong may pag-asa para sa mga tao na akala nila’y hanggang doon na lang ang buhay.

“Kasi nangyari sa akin ‘yan, e. Noong namatay mommy ko, parang nagunaw ang buong mundo ko,” dagdag pa niya.

Kuwento ni Baron, minsan na niyang pinagtangkaan ang sariling buhay. Pero tila pinigilan siya ng Diyos.

“Nagsuot ako ng best suit ko. Alam ko na oorderin ko. Paglabas ko ng kuwarto, di ko mahanap ‘yung susi ng kotse ko. Hinalughog ko lahat. Hanggang sa after 2 days, straight akong umiinom ng 2 days, tinawagan ko ‘yung tito ko. Sabi ko, Tito, tulungan mo naman ako nawawala ‘yung susi. Pagdating niya doon, tinawag niya ako. ‘Noy, Noy, nandito lang, o. Nandito lang sa ilalim ng couch’. Sabi ko, imposible ‘yan, Tito. Imposible ‘yan. Kasi lahat ‘yan hinalughog ko.”

Kaya hindi tuloy niya maiwasang magalit sa Diyos dahil tila pinaglalaruan siya nito. At, take note, hindi lang isa, kundi dalawang beses nangyari ang tila pagpigil ng Diyos sa anumang pagtatangka niya.

“Then after few months, years, narealize ko na, okay may purpose pa pala ako sa buhay. Then eventually, I met my wife. Maayos ako with my family. Naayos ‘yung relationships ko. I have a daughter. And I think that’s my purpose,” pagpapatuloy pa ni Baron.

Sa kasalukuyan, tila nakaigpaw na si Baron mula sa madilim na yugtong iyon ng kaniyang buhay. Matatandaan na noong 2021, ikinatuwa ng netizens ang kaniyang total transformation. Sa katunayan, nakadalo na ulit siya sa ABS-CBN Ball 2023 matapos ma-ban nang ilang taon.

MAKI-BALITA: Baron Geisler, makakadalo na ulit sa ‘ABS-CBN Ball’ matapos ma-ban

MAKI-BALITA: Total transformation ni Baron Geisler, ikinatuwa ng netizens

---

**Kung ikaw o ang iyong mahal sa buhay ay nakararanas ng depresyon at nag-iisip na mag-suicide, maaari kang tumawag sa National Mental Health Crisis Hotline sa 1553 (Luzon-wide, landline toll-free), 0966-351-4518, 0917-899-8727 o 0917-899-USAP para sa Globe/TM users, o sa 0908-639-2672 para naman sa Smart users.