Usap-usapan ngayon sa social media ang naging pagbati at ang mensahe ni dating Liberal Party standard bearer Mar Roxas para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes, Oktubre 6.
Sa isang video na kumakalat sa social media, makikita ang pagsaludo at pakikipagkamay ni Roxas kay Marcos habang naglalakad sila sa venue ng isinagawang pamamahagi ng nakumpiskang smuggled rice sa mga benepisyaryo sa Roxas City, Capiz.
"Sir, we wish you well. I salute you. God bless you," ani Roxas kay Marcos.
"Thank you, Mar, salamat," saad naman ng Pangulo.
Dahil dito, naging trending topic si Roxas sa X (dating Twitter).
Samantala, nagpahayag naman ng kasiyahan si Senador Robin Padilla sa naturang video sa pamamagitan ng isang Facebook post.
“Napakagandang panoorin.
Pugay kamay sa inyong pagpapakumbaba sa isat isa,” ani Padilla sa kaniyang post.
Naganap ang naturang video matapos umanong imbitahan si Roxas ng mga lokal na opisyal sa Roxas City upang dumalo sa naturang kaganapan kung saan namahagi si Marcos ng nakumpiskang smuggled rice sa mga benepisyaryo sa naturang lugar.
Matatandaang parehong tumakbo sina Marcos at Roxas noong 2016 national elections, kung saan kumandidato si Marcos bilang bise presidente kasama ang running mate niyang si dating Senador Miriam Defensor-Santiago habang si Roxas naman ay bilang presidente kasama ang running mate niyang si dating Vice President Leni Robredo.
Pareho namang hindi pinalad sa naturang mga posisyon sina Marcos at Roxas sa naturang mga posisyon.