Binuweltahan ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang naging pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa kaniyang pagtatanggol kay Vice President at Department of Education (DepEd) Sara Duterte.

Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ng Makabayan bloc ang naging pahayag ni Duterte noong Miyerkules, Oktubre 4, tungkol sa mga taong kumukontra sa confidential funds.

“Kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan,” saad ng bise presidente.

MAKI-BALITA: VP Sara: ‘Ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan’

National

Convoy ng umano'y kongresista, dumaan sa EDSA busway!

Inalmahan naman ito ng Makabayan bloc na sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.

MAKI-BALITA: Castro, pinatutsadahan pagdepensa ni VP Sara sa confidential funds

MAKI-BALITA: Rep. Manuel, umalma sa pagdepensa ni VP Sara sa confidential funds

Kaugnay nito, isang pahayag ang inilabas ni Dela Rosa laban sa Makabayan bloc at mga makakaliwa umanong grupo na bumabatikos sa confidential funds ni Duterte.

“Nakikita kasi nila ‘yung masyadong vocal na tumutuligsa diyan eh ‘yung mga kaliwa na grupo. Kasi alam natin na lalong lalo na ‘yung ganiyang confidential funds diyan sa DepEd ay gagamitin talaga niya ‘yan para i-monitor yung recruitment sa mga CPP-NPA sa mga kabataan, sa mga estudyante,” ani Dela Rosa nitong Biyernes, Oktubre 6.

“So they are fighting for their existence and one way of fighting for their existence is iwasan talaga na makakuha ng confidential funds itong si Vice Pres Inday Sara para tuloy-tuloy ang kanilang recruitment,” giit pa niya.

MAKI-BALITA: Bato, pinagtanggol si VP Sara hinggil sa pagdepensa nito sa confidential funds

Sinagot naman ni Manuel ang naturang pahayag ni Dela Rosa.

“With all due respect, aksaya sa oras na patulan ang mga punto kaugnay ng confidential fund kung galing ito sa kapwa mambabatas na di pa inaral nang lubos ang issue, lalo na't nag-assume siya na may confidential fund ang dating VP (kahit wala naman) para depensahan ang current VP,” pagbibigay-diin ni Manuel.

Matatandaang muling naging usap-usapan kamakailan ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022, matapos kumpirmahin ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na nagastos ito sa loob ng 11 araw, mas maikling panahon kaysa sa naunang naiulat na 19 araw.

MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo

Kaugnay nito, sinabi kamakailan ni Dela Rosa na hindi naman umano naging metikuloso sa pagsisiyasat ang oposisyon sa “confidential funds” ng OVP sa ilalim ni dating Vice President Leni Robredo.

“Pamumulitika. Eh, hindi naman lumabas ‘yung isyung ‘yan noon noong panahon nung ang vice president ay miyembro ng opposition, ‘no? Tahimik naman itong opposition pagdating sa pagtalakay ng confidential at intelligence funds na ‘yan. […] Pero sa panahon nila, noong si Vice President Leni Robredo nakaupo sa Office of the Vice President, tahimik naman itong opposition, hindi naman nila kinakalkal ‘yan, pero ngayon, masyadong maingay,” ani Dela Rosa sa panayam kamakailan ng Radyo 630 na inulat ng Vera Files.

Ngunit ayon sa annual audit reports ng Commission on Audit (COA), hindi nagkaroon ng confidential at intelligence funds ang OVP mula 2016 hanggang 2022 sa ilalim ng panunungkulan ni Robredo.