Nagpakita ng suporta ang actress-singer na si Janella Salvador sa drag queen na si Amadeus Fernando Pagente, mas kilala bilang Pura Luka Vega, na inaresto ng mga pulis kamakailan.
Sa Instagram story ni Janella nitong Biyernes, Oktubre 6, shinare niya ang isang link tungkol sa donation drive ng ilang drag queen para matulungan si Pura.
Nakalagay rin sa naturang post na shinare ni Janella ang “Drag is not a crime!” at ang hashtag na #FREEPURALUKAVEGA.
Matatandaang inaresto si Pura sa bahay nito sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkules, Oktubre 4, kaugnay ng kontrobersiyal na “Ama Namin” drag performance nito.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, inaresto sa Sta. Cruz, Manila
Aabot naman umano sa ₱72,000 ang kinakailangan upang makapagpiyansa ang drag queen.
Dahil dito, agad na naglunsad ng donation drive ang mga kapwa drag queens ni Pura para tulungan siya sa pagpiyansa at iba pa umanong gagastusin sa kinahaharap niyang kaso.
Nagbigay naman ng update si Drag Den showrunner Rod Singh sa nasabing donation drive, at inihayag na umabot na sa ₱552,899.22 ang natanggap nilang donasyon mula nitong Biyernes ng tanghali, Oktubre 6.
MAKI-BALITA: Donasyon para kay Pura Luka Vega, umabot na sa kalahating milyon
Bukod naman kay Janella, matatandaang nagpakita rin ng suporta si singer-songwriter Ice Seguerra para kay Pura.
MAKI-BALITA: Ice Seguerra, nag-react sa pag-aresto kay Pura Luka Vega