Naglunsad ng inisyatibo ang isang organization sa Sorsogon State University upang parangalan ang kanilang mga dakilang guro sa nagdaang World Teachers’ Day noong Huwebes, Oktubre 5.

Makikita sa isang Facebook online community ang mga sample ng sketch na ibinahagi ni Jeanefie Inolpe, aktibong kasapi ng “United Visual Artists Of SorSu” o UNIVAS at isang 3rd year college student na kumukuha ng kursong Bachelor of Engineering Technology major in Architectural Drafting sa nasabing pamantasan.

“LIVE SKETCH AND FREE DRAWING FOR TEACHERS AT SORSU!🎉HAPPY TEACHERS DAY TO ALL THE TEACHERS OUT THERE!🤗💖” saad ni Jeanefie sa caption ng kaniyang post.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Jeanefie kung ano ba ang kanilang organisasyon at ano-ano ba ang mga layunin nito.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Isa itong maliit na organisasyong nakabase sa Sorsogon State University na naglalayong hasain ang husay at talento ng mga Visual Artists na may iba't ibang estilo. Layon din nito ang maipakita ang halaga at ganda ng mga likhang lokal lalo na sa panahong ito na kung saan ay unti-unti nang bumababa ang pagtingin sa mga artist,” paliwanag ni Jeanefie.

Ayon pa kay Jeanife, naisip umano nilang magbigay ng libreng sketch para sa mga guro ng kanilang campus upang maipakita ang buong pusong pasasalamat sa serbisyo ng mga ito.

“At upang maipakita na rin na naging bahagi na sila ng buhay namin bilang mga aspiring artist. Sa pamamagitan ng pagguhit sa kanilang mga larawan ay nabibigyan namin ng simpleng ngiti ang kanilang mga labi sa kabila ng lahat ng sakripisyong iginugol nila para sa amin,” dagdag pa niya.

Kaya naman nagpaabot siya ng kaniyang mensahe para sa mga guro na patuloy na nagsasakripisyo at nag-aalay ng sarili para sa kanilang mga mahal na estudyante.

“Salamat po sa lahat ng mga gurong nagsasakripisyo at itinatawid tayo sa landas na ating gustong tahakin sa ating buhay, walang sawang pagtuturo, at gabay sa ating pag aaral. Kayo’y nagsisilbing pangalawa naming magulang sa likod ng aming mga problema kaya salamat po sa lahat ng guro at sana mas madami pa po kayong mag-aaral na maturuan at mabigyang insipirasyon."

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!