Sumalang sa lie detector test ang magkasintahang vloggers na sina Viy Cortez at Lincoln Cortez Velasquez o mas kilala sa bansag na “Cong” upang sila na raw ay “magkaalaman” bago pa raw sila tuluyang mauwi sa “kasalan.”
Sa vlog ni Viy, nagtanungan ang dalawa ng ilang mga bagay na may kinalaman sa kanilang relasyon.
Isa na nga sa mga tinanong ni Viy kay Cong ang tungkol sa kung napapatingin pa raw ito sa magagandang babae.
“May moment ka na ba, kunyari may isang event, tapos napatingin ka sa kaniya tapos [napasabi ka ng] ‘sobrang ganda nito,” tanong ni Viy.
“Oo,” diretsong sagot naman ni Cong.
“I mean sobrang ganda mo, pero kung magiging realistic tayo sa mundong ito, syembre anong gusto mo nakaganon na lang ako,” paliwanag din niya kay Viy habang umaaktong nagtatakip ng mata.
Nang tanungin naman ni Viy kung sino ang babaeng nagandahan ng kaniyang fiancé, sinabi ni Cong na hindi na niya matandaan.
Pinaliwanag din ni Cong na kahit naman daw sa mga gwapong lalaki ay napapasabi rin siya ng “ang gwapo naman nito.”
“Yung magandahan at magwapuhan ka sa isang tao, normal ‘yun. Ang hindi normal, ‘yung gagawa ka pa ng paraan para mapansin ka, tapos lalandiin mo ganon. ‘Yun ‘yung hindi normal siguro,” saad pa ni Cong.