Usap-usapan ngayon ang naging pagsasama nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa Roxas City, Capiz nitong Biyernes, Oktubre 6.
Sinamahan ni Roxas at ibang mga lokal na opisyal si Marcos sa pamamahagi ng nakumpiskang smuggled rice sa mga benepisyaryo sa Roxas City.
Magkasabay rin umanong dumating sina Marcos at Roxas sa Capiz Gymnasium sa Roxas City, kung sakay raw sila ng iisang sasakyan.
Sa talumpati naman ng Pangulo sa naturang aktibidad, ibinahagi niyang kahit magkaiba umano sila ni Roxas ng mga kaalyado sa politika, matagal na raw silang magkaibigan.
"Baka hindi n'yo po alam, alam n'yo po, kami ni Mar matagal na po kaming magkaibigan at kahit na hindi kami magkapanig kung minsan sa politika, matagal kaming nagsama sa New York," ani Marcos.
"Kaya po nakakatuwa. Matagal ko na po siyang hindi nakausap at mabuti naman nagkaroon ng pagkakataon. Nag-usap kami dito pa sa Capiz," saad pa niya.
Agad naman naging usap-usapan ang naturang pagsasama ng dalawa, dahilan kaya't naging trending topic din si Roxas sa X.
Narito ang ilang komento ng netizens:
"oh nasaan na iyong mga bbm loyalists na galit kay vp sara kasi nasa isang event sila ni mar roxas noong abril 2023? tapos ngayon si bbm ay nasa isang event with mar roxas. galit din ba kayo or puring-puri kayo tapos may pa give chance to mar pa kayo?"
"Kakampink right now: apologist si Mar Roxas?"
"Buti pa si Mar Roxas. He wished PBBM well. Litong-lito na siguro ang mga trojan trolls."
"Yung nagkita sina PBBM at Mar Roxas
Admin supporter: ???
Opposition: ???"
Matatandaang parehong tumakbo sina Marcos at Roxas noong 2016 national elections, kung saan kumandidato si Marcos bilang bise presidente habang si Roxas naman ay bilang presidente. Pareho naman silang hindi pinalad sa naturang mga posisyon.