Gilas Pilipinas, kumubra ng gold medal sa 19th Asian Games

(Philippine Olympic Committee/FB)
Gilas Pilipinas, kumubra ng gold medal sa 19th Asian Games
Matapos ang mahigit anim na dekada, nasungkit din ng Pilipinas ang pinaka-asam-asam na gintong medalya sa men's basketball sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China nitong Biyernes ng gabi.
Ito ay nang dispatsahin ng National team ang Jordan, 70-60.
Huling naiuwi ng Pilipinas ang gold medal sa Asian Games noong 1962 matapos itumba ang China.
Sa unang bugso ng laban, nakakuha kaagad ng Gilas ang bentahe, 20-10, at napanatili nila ito bago pumasok ang fourth quarter, 51-41.
Tinangka pang habulin ng Jordan ang bentahe ng Gilas Pilipinas nang ibaba nila ito sa pitong puntos sa tulong na rin ni dating TNT import Rondae Hollis-Jefferson.
Gayunman, kumana sina Ange Kouame at Scottie Thompson upang hilahin sa 10, 60-50, ang abante ng koponan.
Nag-ambag pa si Kouame ng isang putback mula sa mintis ni Chris Newsome, 64-55, 1:44 na lang sa regulation period hanggang sa maiuwi nila ang panalo.