Tila natunaw ang puso ng netizens sa ibinahaging kuwento ni Ma’am Luisa Casuga Conmigo sa kaniyang Facebook account kamakailan.

Sa halip kasi na tsokolate at bulaklak, isang taling saluyot ang natanggap ni Ma’am Luisa mula sa kaniyang estudyante sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month.

Ayon sa kuwento ni Ma’am Luisa, nahihiya pa umano ang estudyante niyang si Jerick na ibigay ang nasabing regalo.

Pero inalo niya ang bata at sinabing hindi mahalaga kung may regalo man sila o wala dahil pantay-pantay lang umano ang tingin niya sa kanila. Ang mahalaga, kasama niya ang mga ito sa araw ng nasabing pagdiriwang.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Actually, anak, ito ang nagustuhan ko sa lahat . Pinaiyak mo ako dahil pinakita mo sa akin ang tunay mong pagmamahal sa akin bilang iyong guro. You are true and humble and you care for me. Gusto mong ipakita at ipaalala sa akin na dapat laging healthy si Teacher Luisa,” dagdag pa niya.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, napag-alamang 29 taon nang nagtuturo si Ma’am Luisa at Grade 5 ang tinuturuan niya sa Barang Elementary School sa Pangasinan.

Masaya raw siya sa natanggap na regalo mula sa estudyante niyang si Jerick dahil kahit mahirap ang buhay, nagawa pa rin umano ng bata na magbigay ng saluyot.

Ibinahagi rin niya kung anong klaseng estudyante si Jerick sa paaralan:

“Maayos naman siyang bata. Masayahin at palabiro.”

Sa huli, sinabi ni Ma’am Luisa ang kaniyang inspirasyon sa likod ng 29 na taong pagserserbisyo bilang guro.

“Umabot na ako ng 29 years na nagtuturo kaya napamahal na sa akin ang propesyong ito at sa totoo lang mahal ko ang mga batang tinuturuan. Ang turing ko sa kanila ay para ko na silang mga apo ko; parang mga anak ang turing ko sa kanila.”

Dagdag pa niya: “At syempre sa trabaho bilang isang guro, baon mo lagi ang panalangin para papasok ka sa school na magaan ang pakiramdam mo”.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, may mahigit 76k reactions at 16k shares  na ang naturang post ni Ma’am Luisa.