Umabot na umano sa mahigit kalahating milyong piso ang nalikom ng donation drive ng kapwa drag queens ni Amadeus Fernando Pagente, mas kilala bilang Pura Luka Vega, para sa kaniya.
Matatandaang inaresto si Pura sa bahay nito sa Sta. Cruz, Manila noong Miyerkules, Oktubre 4, kaugnay ng kaniyang kontrobersiyal na “Ama Namin” drag performance.
Aabot naman umano sa ₱72,000 ang kinakailangan upang makapagpiyansa ang drag queen na na kasalukuyang nasa MPD Sta. Cruz police station.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, inaresto sa Sta. Cruz, Manila
Dahil dito, agad na nagsagawa ng donation drive ang mga kapwa drag queen ni Pura upang matulungan umano siyang makapagpiyansa.
MAKI-BALITA: Drag queens, naglunsad ng donation drive para kay Pura Luka Vega
Nagbigay naman ng update si Drag Den showrunner Rod Singh sa nasabing donation drive sa pamamagitan ng isang X post nitong Biyernes ng tanghali, Oktubre 6.
Makikita sa larawang ibinahagi ni Rod Singh na umabot na sa ₱552,899.22 ang natanggap nilang donasyon para kay Pura.
“1 pm update. Thank you for your donations! 💕” caption ni Rod Singh sa nasabing post.
“For now, we are still waiting for the decision regarding our motion for bail,” saad pa niya kasama ang hashtag na #FreePuraLukaVega.