Pinagtanggol ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa si Vice President at Department of Education (DepEd) Sara Duterte hinggil sa pagdepensa nito sa confidential funds.
Sa isang panayam nitong Biyernes, Oktubre 6, binanggit ni Dela Rosa na ang Makabayan bloc at iba pa umanong mga makakaliwang grupo ang pinakatumutuligsa sa confidential funds.
“Nakikita kasi nila ‘yung masyadong vocal na tumututuligsa diyan eh ‘yung mga kaliwa na grupo. Kasi alam natin na lalong lalo na ‘yung ganiyang confidential funds diyan sa DepEd ay gagamitin talaga niya ‘yan para i-monitor yung recruitment sa mga CPP-NPA sa mga kabataan, sa mga estudyante,” ani Dela Rosa.
“Alam natin tatamaan talaga sila, ‘yung mga makakaliwa. Kanino ba naka-align ‘yung mga makakaliwa diyan na maiingay, ‘di ba naka-align doon sa kaliwa?”
“So they are fighting for their existence and one way of fighting for their existence is iwasan talaga na makakuha ng confidential funds itong si Vice Pres Inday Sara para tuloy-tuloy ang kanilang recruitment,” giit pa niya.
Nang tanungin naman ang kaniyang mensahe sa Makabayan bloc, ani Dela Rosa: “Huminto na tayo sa pagiging plastik.”
Matatandaang humiling ang OVP ng ₱500 milyong halaga ng confidential funds habang ₱150 milyon naman ang hiniling ng DepEd sa ilalim ng 2024 national budget.
Samantala, inilipat umano ang pinagsamang confidential funds ng OVP at DepEd para sa 2024 sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Noon lamang namang Miyerkules, Oktubre 4, iginiit ni Duterte na ang mga taong kumukontra sa confidential funds ay kumokontra umano sa kapayapaan.
“Kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan,” saad ng bise presidente.
Inalmahan naman ito ng Makabayan bloc na sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
https://balita.net.ph/2023/10/05/castro-pinatutsadahan-pagdepensa-ni-vp-sara-sa-confidential-funds/
https://balita.net.ph/2023/10/06/rep-manuel-umalma-sa-pagdepensa-ni-vp-sara-sa-confidential-funds/