Inamin ni Kapuso star Andrea Torres na nahirapan umano siyang makatrabaho si “Queen of Philippine Primetime Television” Bea Alonzo nang kapanayamin siya ni “Asia’s King of Talk” Boy Abunda kamakailan.
Iniidolo raw kasi ni Andrea si Bea bilang artista. At ngayon, kasama na niya ito sa teleseryeng “Love Before Sunrise” kung saan gumaganap siya bilang kontrabida sa karakter ni Bea.
“How is that experience?” diretsong tanong ni Tito Boy.
“Ang hirap noong una, Tito Boy. Sinabi ko nga noong una sa kaniya, e. Bakit ganoon noong siya na ‘yung kaeksena ko parang ang dami mong iniisip bigla? Nag-overthink ka. Siguro kasi, ito na ‘yun. This is the moment. Dati kasi siyempre inaaral mo ‘yung mga movies niya. Nagde-dream ka pa lang na makasama siya tapos ngayon kaharap mo na. May starstruck factor, Tito Boy,”
Sundot na tanong ni Tito Boy: “Paano mo na-overcome ‘yun?”
“Siguro sa dami na lang din ng eksena namin together. And she’s very nice.”
Malaking bagay din umano kay Andrea ang pag-eeffort ni Bea na iparamdam sa kaniya na huwag dapat siyang ma-intimidate dito.
Sang-ayon naman si Tito Boy sa mga sinabi ni Andrea dahil minsan na silang “nakapaglaro” ni Bea ng aktingan at nasaksihan niya ang husay nito. Segunda pa ni Andrea, may moment pa raw na napapatigil siya para lang panoorin ang co-actress habang kaeksena ito dahil nadadala siya nito sa pag-arte.
Ito ang unang pagkakataon na tumanggap si Andrea ng kontrabida role. Matatandaang ang huling karakter na ginampanan niya sa telebisyon ay ang aping si Sisa sa “Maria Clara at Ibarra” kung saan maraming humanga sa kaniyang natatanging pagganap.
Bukod kay Bea, kasama rin ni Andrea sa nasabing teleserye si Kapuso star Dennis Trillo.
Sumalang din si Dennis sa programang ito ni Tito Boy kung saan niya inamin ang kaniyang pagsisikap umanong umiwas sa tukso para sa asawang si Jennylyn Mercado.
https://balita.net.ph/2023/09/17/dennis-trillo-umiiwas-sa-tukso-para-kay-jennylyn-mercado/