Tumaas sa 6.1% ang inflation rate sa Pilipinas nitong buwan ng Setyembre mula sa 5.3% na naitala noong Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, Oktubre 5.
Sa tala ng PSA, ang naturang datos nitong Setyembre ang naging dahilan umano ng pananatili ng 6.6% na national average inflation ng Pilipinas mula Enero hanggang Setyembre 2023.
Samantala, inihayag ng ahensya na nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa naturang pagtaas ng overall inflation rate nitong Setyembre 2023 ang heavily-weighted food at non-alcoholic beverages, na tumaas sa 9.7% mula sa naitalang 8.1% noong Agosto.
Nagdulot din umano ng pagtaas ng inflation rate ang transportation services matapos din itong tumaas mula sa 0.2% noong Agosto patungo sa 1.2% nitong Setyembre.
Dagdag ng PSA, naging dahilan din ng pagtaas ng inflation rate ang higher annual increases sa mga sumusunod na commodity groups:
- Health (4.1% inflation mula sa 3.9%);
- Recreation, sport at culture (5.1% mula sa 4.9%); at
- Education services (3.6% mula sa 2.9%).
Samantala, inihayag din naman ng PSA na mas mataas pa rin ang naitalang inflation rate noong Setyembre ng nakaraan taon na mayroon umanong 6.9%.