Naglunsad ng donation drive ang kapwa drag queens ni Amadeus Fernando Pagente, mas kilala bilang Pura Luka Vega, para tumulong umano sa pagpiyansa nito.
Matatandaang inaresto si Pura sa bahay nito sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkules, Oktubre 4, kaugnay ng kontrobersiyal na “Ama Namin” drag performance nito.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, inaresto sa Sta. Cruz, Manila
Ito ay matapos sampahan ng kaso si Pura ng grupo ng mga deboto ng Itim na Nazareno na Hijos Del Nazareno (HDN) Central.
MAKI-BALITA: Mga deboto ng Itim na Nazareno, nagsampa ng kaso vs Pura Luka Vega
Aabot naman umano sa ₱72,000 ang kinakailangan upang makapagpiyansa ang drag queen na na kasalukuyang nasa MPD Sta. Cruz police station.
Ilang mga kapwa drag queens naman ang agad na nagpahayag ng pagkondena sa naging pag-aresto kay Pura, at naglunsad din ng donation drive para matulungan ito.
“The Art of Drag in the Philippines is under attack,” pahayag ni "Drag Den Philippines" host Manila Luzon sa kaniyang Instagram post nitong Miyerkules kalakip ang larawan nila ni Pura at ang mga detalye ng donation drive na kanilang inilunsad.
“Drag is NOT a crime! Swipe to donate for their bail,” saad pa niya kasama ang hashtag na #freepuralukavega.
Sa X post naman ni Drag Den showrunner Rod Singh nitong Miyerkules ng gabi, inihayag niya na layong makalikom ng kanilang donation drive ng ₱72,000 para makatulong sa pagpiyansa ni Pura.
Nagbigay naman ng update si Rod Singh nitong Huwebes, Oktubre 5, at sinabing mula umano kaninang 12:00 ng tanghali ay ₱421,252.88 na ang kabuuang halaga ng donasyong natanggap nila mula sa mga sumusuporta kay Pura.
“Thank you for your donations. Na-cover na din natin ang expenses ng flight ng Nanay ni Luka mula probinsya papuntang Maynila. We’ll also be posting updates from PLV’s legal team later today,” ani Rod Singh kasama rin ang hashtag na #FreePuraLukaVega.
Naging trending topic din sa X ang #FreePuraLukaVega matapos ang naturang pag-aresto sa drag queen.
MAKI-BALITA: #FreePuraLukaVega, trending sa X matapos ang pag-aresto kay Pura Luka Vega
Sa panayam naman ng Manila Bulletin, sinabi ni Pura na naniniwala siyang isang “inhustiya” ang nangyaring pag-aresto sa kaniya dahil hindi naman umano siya nakatanggap ng subpoena mula sa mga awtoridad sa Maynila.
Muli rin niyang iginiit na hindi krimen ang drag, at palagi raw siyang bukas para sa diskurso sa mga taong maaaring “na-offend” niya.
“But sana maintindihan nila na sa mata ng isang manlilikha o artist, it’s really just a form of storytelling. Drag is art. It’s not supposed to be a crime,” saad niya.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega: ‘Drag is art, it’s not supposed to be a crime’
Samantala, inihayag ni Pura sa naturang panayam na hinahanda na raw ng kaniyang abogado ang mga legal na hakbang bilang tugon sa mga kasong isinampa laban sa kaniya, pati na rin umano ang pagdeklara sa kaniyang persona non grata ng mahigit 20 mga lugar sa bansa dahil sa kaniyang naging “Ama Namin” drag performance.
MAKI-BALITA: Mga lugar na nagdeklara ng persona non grata laban kay Pura Luka Vega
Bukod naman sa isinampang reklamo ng HDN, sinampahan din ng kaso si Pura kamakailan ng religious group na “Philippines for Jesus Movement” sa Quezon City Prosecutor’s Office.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega kinasuhan dahil sa ‘Ama Namin’
Kaugnay nito, humarap kamakailan si Pura sa Hall of Justice sa Quezon City.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega: ‘Amidst all the challenges, I remind myself to be kind’