Pinatutsadahan ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte hinggil sa naging pagdepensa nito sa confidential funds.
Matatandaang iginiit ni Duterte nitong Miyerkules, Oktubre 4, na ang mga taong kumukontra sa confidential funds ay kumokontra umano sa kapayapaan.
“Kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan,” saad ng bise presidente.
Sinagot naman ni Castro ang pahayag ni Duterte at sinabing pinalalabas ng bise presidente ang mga kritiko ng confidential funds bilang “mga kaaway ng estado.”
"It seems that when her ad hominem attacks against the critics of her secret funds did not work, VP Duterte is now egging the police to treat critics of confidential funds as enemies of the state," pahayag ni Castro.
"Sinasabihan niya ang mga pulis na ituring lahat ng naririnig nilang bumabatikos sa confidential funds na 'enemy of the state' o kalaban ng bayan. Kumbaga ay wholesale na red-tagging at gaslighting ang kaniyang ginawa," saad pa niya.
Matatandaang binatikos din kamakailan ni Castro ang si Duterte dahil sa umano’y paggastos ng Office of the Vice President (OVP) ng ₱125 milyong confidential funds nitong noong 2022 sa loob ng 11 araw.