Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Jenny nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 5, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, nakalabas ng PAR ang Typhoon Jenny dakong 3:00 ng hapon.

Huli umanong namataan ang sentro ng bagyo 275 kilometro ang layo sa West Northwest ng Itbayat, Batanes sa labas ng PAR, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometers per hour at pagbugsong 170 kilometers per hour. 

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nakataas pa rin naman ang Signal No. 2 sa Itbayat, Batanes.

Samantala, nakataas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

  • Mga natitirang bahagi ng Batanes
  • Babuyan Islands
  • Northern portion ng Apayao (Calanasan, Luna)
  • Northwestern portion ng Cagayan (Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes, Abulug)
  • Northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Adams, Dumalneg, Bangui, Burgos, Pasuquin, Vintar) 

Bagama’t nakalabas na ng PAR ang bagyo, patuloy umano nitong palalakasin ang southwest monsoon o habagat, na posible namang magdala ng mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon.

“Outside the PAR region, JENNY will continue to move westward (becoming west southwestward to southwestward by Sunday) slowly over the Taiwan Strait and the coastal waters of southeastern China,” saad ng PAGASA.

“Once over the Taiwan Strait, additional cool dry air from the north will entrain into JENNY, resulting in continued weakening. JENNY may become a tropical depression by late Sunday,” dagdag pa nito.