Sa kabila ng pagiging modernisado at sibilisado ng mundo, tila hindi pa rin tuluyang iwinawaksi ng ilang mga tao ang kaniyang taglay na lupit sa mga kapuwa niya, partikular sa mga hayop. Naroon pa rin sa kaibuturan ng kaniyang pagkatao ang pagtanaw sa sarili bilang superyor sa lahat ng nilikha kaya kay dali-daling manakit o pumatay.
Ayon sa ulat ng Royal Society for the Prevention of Cruelty to Animals o RSPCA noong Pebrero 8, 2022, tumaas umano ng 16% ang naitatalang kaso ng pagmamalupit sa mga aso sa United Kingdom simula nang dumating ang pandemya noong 2020.
Tiyak na dumami pa ang numerong ito pagsapit ng 2023. Matatandaang sa nabanggit na taon nangyari ang walang-awang pagbaril ng Metropolitan Police sa dalawang asong sina Marshall at Millions noong Mayo sa East London.
Kaya dito papasok ang makabuluhang papel na ginagampanan ng Oktubre 4. Ang araw kung kailan ipinagdiriwang ang World Animal Day na naglalayong itaas ang antas ng kamalayan ng tao kaugnay sa kapakanan at karapatan ng mga hayop; isulong ang pantay na trato sa mga ito; at higit sa lahat, ipaaalalang gaya natin ay nilikha rin ang mga ito na may mga tungkulin na kailangang gampanan para mapanatili ang balanseng pag-iral ng mundo.
Ayon sa tala, nagsimula umano ang pandaigdigang pagdiriwang dahil kay Heinrich Zimmerman, isang publisher at manunulat ng German magazine na “Mensch und Hund” na ang katumbas na salin sa Ingles ay “Man and Dog”. Nangyari ang kauna-unahang pagdiriwang sa Sports Palace sa Berlin, Germany noong Marso 24, 1925 na dinaluhan ng mahigit 5000 tao.
Pero ang tanong, kung Marso unang ipinagdiwang ang World Animal Day, bakit nalipat ito sa buwan ng Oktubre sa kasalukuyan?
Dahil ang Oktubre 4 ay pista ni St. Francis of Assisi na itinuturing na santong patron ng mga hayop at kalikasan. Inilaan ni San Francisco ang kaniyang buhay sa pangangaral ng mga salita ng Diyos. Laman din ng kaniyang mga sermon hindi lang ang panawagang kalingain ang mga mahihirap at may mga sakit kundi pati ang iba pang mga nilikha ng Diyos gaya ng mga hayop.
Naniniwala si St. Francis na walang anomang nilikha ang Diyos na nakakahigit sa iba pang nilalang. Lahat pantay-pantay. Kaya nga ang sabi niya: “If you have men who will exclude any of God's creatures from the shelter of compassion and pity, you will have men who will deal likewise with their fellow men”.
Pinaniniwalaang isinilang si San Francisco sa pagitan ng 1181 o 1182 sa bayan ng Assisi sa Italya at pumanaw noong Okturbre 3, 1226.
Kasabay ng pagdiriwang ng araw na ito, alalahanin din sana ang mga hayop na nasawi gaya nina Marshall at Millions at ang mga aral na iniwan ng santong patron.
Samantala, hindi rin nagpahuli ang Pilipinas sa inisyatibo na isulong ang kapakanan at karapatan ng mga hayop. 65 taon ang nakalipas, idineklara ni dating Pangulong Carlos P. Garcia ang Oktubre 4 bilang ‘#KindnessToAnimalDay’ para manawagan sa mga Pilipino na magdaos ng mga programa at pagtitipon na makakatulong sa paglinang ng kanilang mabuting pakikitungo sa hayop.