Kinaantigan ng netizens ang video ng isang pupil na binigyan ng pagkain ng kaniyang mga kaklase na ibinahagi ng kanilang guro sa TikTok account nito kamakailan.

Makikita kasi sa video ng gurong si Ma’am Charisse Mae A. Saren na tila walang baong ulam ang nasabing estudyante at bigla itong nilapitan ng isa niyang kaklase para iyon ay kumpirmahin.

Nang makumpirma nito na wala ngang ulam ang kaklase, agad nitong sinabi sa guro ang kaniyang nalaman. At noon na nagsimulang magsilapitan ang iba pang estudyante para bigyan ang kaklase nilang walang ulam.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa eksklusibong panayam ng Balita, inamin ni Ma’am Charisse na hindi umano niya inasahang magba-viral ang video na ibinahagi niya sa kaniyang TikTok account.

“Hindi ko po talaga inasahang magba-viral iyong video ko kasi nagawa ko lang naman siya i-video dahil humanga talaga ako sa abilidad niya sa kabila ng ganoong sitwasyon ay araw-araw pa rin siyang pumapasok sa paaralan.”

Kaya naman nakakataba umano ng puso na makita niya na ang mga estudyante niya ay marunong magbigay ng kung anomang mayroon sila.

Ibinahagi rin ni Ma’am Charisse kung paano niya inlalangkap sa mga akademikong asignatura ang kabutihang-asal.

“Una ko pong ginawa, kinilala ko muna ang iba’t ibang klaseng ugali meron ang mga estudyante ko upang madali ko na lang silang turuan kung ano ‘yung good values na dapat meron sila.”

Para naman sa kaniyang mga kapuwa guro, nanawagan siya na patuloy lamang lumaban at huwag sukuan ang mga estudyante.

Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 272k heart reactions at 3M views ang nasabing video.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!