Tataas na ng ₱1 ang minimum na pamasahe para sa lahat ng pampasaherong jeepney, modern at traditional, sa buong bansa kasunod ng pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo nitong mga nakaraang linggo.
Dininig ng ahensya nitong Martes, Oktubre 3, sa pangunguna nina LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, Board Member Engr. Riza Marie Paches, at Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes, ang inihaing petisyon na dagdagan ang pamasahe sa mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) at Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ).
Ang nasabing petisyon ay inihain ng Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide, Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).
Napagdesisyunan ng LTFRB Board na simula sa Linggo, Oktubre 8, magkakaroon ng karagdagang ₱1 ang minimum fare sa mga TPUJ na magiging ₱13 mula sa dating ₱12 habang aakyat naman sa ₱15 ang pamasahe sa mga MPUJ na dating ₱14.
"Piso na provisional fare increase lamang po ang inaprubahan natin sa first four kilometres pero wala pong kahit anong dagdag sa succeeding kilometres. Applicable po ito sa modern at traditional public utility jeepney sa buong bansa simula sa October 08," paglilinaw ni Guadiz.
Pinaalalahanan din niya ang lahat ng mga operator, tsuper, at komyuter na kinakailangang ipatupad ang nasabing taas-pasahe sa nakatakdang petsa.
Samantala, patuloy pa rin ang pagbibigay ng discount sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), estudyante, at iba pa.