Niyanig ng 5.7-magnitude na lindol ang Calayan, Cagayan nitong Miyerkules ng umaga, Oktubre 4, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, nangyari ang lindol dakong 11:35 ng umaga. Naitala ang epicenter ng lindol sa 17 kilometro hilagang-silangan ng Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan.
Naramdaman ang Intensity V sa Calayan, Cagayan; Intensity IV sa Lacub, Abra; Adams, Bacarra, Bangui, Burgos, Carasi, Dumalneg, Laoag City, Pagudpud, Pasuquin, San Nicolas, at Sarrat sa Ilocos Norte; at Peñablanca, Piat, Santo Niño, Solana, at Tuguegarao City sa Cagayan.
Bukod dito, naramdaman ang Intensity III sa Licuan-Baay, Abra; Balbalan, Lubuagan at Pasil sa Kalinga; at Batac City, Currimao, Marcos, Paoay at Pinili sa Ilocos Norte. Intensity II naman sa Nueva Era, Ilocos Norte; Basco, Batanes; and Angadanan, Cabagan, Maconacon, San Mariano at San Pablo sa Isabela, at nakaramdaman naman ng Intensity I ang Delfin Albano sa Isabela.
Plate tectonic ang sanhi ng malakas na payanig. Pahayag pa ng Phivolcs, walang inaasahang pinsala ngunit asahan ang aftershocks.