Masusi nang iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang pagkamatay ng isang Grade 5 student, 11-araw lamang matapos siyang sampalin umano ng kanyang sariling guro sa loob ng kanilang silid-aralan sa Antipolo City.

Ayon kay DepEd Undersecretary at spokesperson Michael Poa, nakausap na nila Schools Division Superintendent (SDS) na nakakasakop sa paaralan at hinihintay na lamang nito ang report ng principal ng Peñafrancia Spring Valley Elementary School, na matatagpuan sa Barangay Cupang, Antipolo City, hinggil sa insidente.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Inaasahang personal ding magtutungo ang SDS sa paaralan upang magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.

Batay sa Antipolo City Police, dakong alas-9:00 ng umaga noong Setyembre 20, 2023 nang maganap ang pananampal ng gurong hindi na muna pinangalanan sa kanyang estudyanteng si Francis Jay Gumikib, 14, Grade 5 student, sa loob mismo ng kanilang silid-aralan.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng ina ng biktima na si Elena Minggoy na ikinuwento sa kanya ng kanyang anak na nagalit ang guro nang magsumbong ang bata dahil sa pag-iingay ng kanyang mga kaklase.

Matapos ang pananampal ay nakaramdam umano ng pananakit ng tenga at ulo ang biktima.

Nakapasok pa aniya ang anak sa eskwela ng tatlong araw ngunit noong Setyembre 26, 2023 ay dumaing ito na hindi na makayanan ang sakit na nararamdaman sa kanyang ulo.

Kaagad aniya nila itong isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center matapos na mawalan ng balanse ang biktima at magsuka.

Gayunman, idineklara ng mga doktor na comatose ang biktima at dakong alas-10:21 ng umaga nitong Lunes, Oktubre 2, nang tuluyan siyang bawian ng buhay habang nasa intensive care unit (ICU) ng pagamutan.

Tinangka umano ng ina ng biktima na makipag-ugnayan sa guro ngunit binabalewala umano nito at ng paaralan ang kanyang reklamo.

Ani Aling Elena, batay sa rekord ng ospital, nagkaroon ng pagdurugo sa utak ng bata.

Dakong alas-6:00 ng gabi naman ng Lunes nang tuluyan nang magtungo sa Antipolo City Police ang ginang upang magsampa ng kaukulang reklamo laban sa guro.

Umaapela rin ang ginang kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanyang anak.