Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa paggunita ng lungsod ng 'Museum and Galleries Month' ngayong Oktubre, sa pamamagitan nang pagbubukas ng solo art exhibit na kinatatampukan ng mga paintings na ginawa ni Vice Mayor Yul Servo-Nieto nitong Lunes.

Sa nasabing exhibit, pinasalamatan ni Lacuna si Servo, kasabay ng pag-aanunsyo nito na ang lahat ng kikitain sa nasabing exhibit ay mapupunta sa “Manila City Hall Band.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"Congrats, di ka lang isang magaling na lingkod-bayan at artista, isa ka ding magaling na manlilikha ng magagandang obra. Ang pinakamaganda pa po diyan, lahat ng pinagbebentahan ng ginagawa niya ay may pinupuntahang tinutulungan. Ngayon, ang proceeds ay mapupunta sa Manila City Hall Band. Ang swerte naman ninyo," ayon pa kay Lacuna sa kanyang maiksing mensahe, para sa naturang aktibidad.

Idinagdag pa nito na: "Tunay na malikhain ang aking Vice Mayor. Nakakamangha kung saan ka kumukuha ng panahon para gawin lahat ito pero sabi nila, kung gusto mo talaga ang ginagawa mo, may paraan...Hindi biro... third na ito. Una 'yung  Pinto Museum, tapos Manila Hotel at pinakamalaki itong third exhibit na angkop na angkop sa pagdiriwang ng Museum and Galleries Month."

Ang naturang aktibidad ay inorganisa ng Department of Tourism, Culture and the Arts (DTCAM) sa ilalim ng direktor nito na si Charlie Dungo, at dinaluhan din ng mga city officials, Councilors at pribadong indibidwal.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Servo na mula sa mga scrap metal, gumamit siya ng stainless sa kanyang mga bagong obra maestra kung saan tampok ang  LRT, MRT, Skyway at mga ilang lugar sa  Maynila tulad ng  Sta. Ana, San Miguel, Sta. Mesa, Intramuros, San Andres, Binondo, San Nicolas at Quiapo.

Bahagi rin ng exhibit ang sample ng trophies na ginamit sa Manila Film Festival, kasama ang mga towers of power, courage, wisdom, friendship at themes tulad ng organizer, timekeeper, windbreaker at memories, at  iba pa.

Pinasalamatan din ni Servo si Lacuna at ang mga miyembro ng Manila City Council kung saan siya ang Presiding Officer, at sinabing ang kanilang suporta ang nagbibigay inspirasyon sa kanya at dahil dito ay nagiging madali ang kanyang trabaho.

Tinawag na, "Directions 3," ang solo art exhibit ni Servo ay tatagal mula Oktubre 2 hanggang Oktubre 13, 2023 sa Bulwagang Rodriguez, 2nd floor, Manila City Hall.

Sinabi ni Lacuna na mapalad siya dahil isa siya sa mga unang nakatanggap ng artwork ni Servo dahil ipininta siya nito bilang direksyon kung saan naroroon ang kanyang tirahan sa Bacood, Sta. Mesa.