Gagawa ang “MindRiot Entertainment” ng isang pelikula na hango sa kuwento ng lumubog na Titan Submarine ng “OceanGate”, isang pribadong diving company sa Everett, Washington.
“Salvaged” ang magiging pamagat umano ng nasabing pelikula gaya ng pamagat ng docuseries na pumapaksa rin sa nasabing insidente. Nauna itong ianunsiyo noon pang Setyembre 15.
Ayon sa ulat ng Deadline noong Biyernes, Setyembre 29, itatampok umano sa gagawing pelikula ang mga nangyari bago, habang, at pagkatapos ng limang araw na trahedya na kumitil ng limang buhay.
Ang nasabing limang pasahero ng submarine ay sina British explorer Hamish Harding, French submarine expert Paul-Henri Nargeolet, Pakistani-British tycoon Shahzada Dawood at ang kaniyang anak na si Suleman, at si Stockton Rush, CEO ng operator ng submarine na OceanGate Expeditions.
Si Jonathan Keasey na founder ng “MindRiot” ang isa sa mga magsusulat ng script ng pelikula kasama ang screenwriter na si Justin MacGregor.
Ayon kay Jonathan, ang malupit na katotohanan umano ng kasalukuyang lipunan ang nagtulak sa kaniya para i-produce ang pelikula kasama si E. Brian Dobbins (The Blackening, Black-ish).
“The Titan Tragedy is yet another example of a misinformed and quick-to-pounce system, in this case, our nonstop, 24-7 media cycle that convicts and ruins the lives of so many people without any due process," pahayag ni Jonathan.
Hindi rin lang umano basta pagpaparangal sa mga nasawi at sa mga pamilya nito ang pelikula; pagtatangka rin umano itong talakayin ang malalaking isyung nakakabit sa kalikasan ng media sa kasalukuyan.
“Truth is all that matters. And the world has a right to know the truth, always, not the salacious bait crammed down our throats by those seeking their five minutes of fame. Life is not black and white. It’s complicated. There’s nuance. Always nuance," Keasey concluded,” dagdag pa niya.
Matatandaang ang misyon ng ekspedisyon ng mga lulan ng Titan submarine noong Hunyo ay puntahan ang bahagi ng dagat na pinaglubugan ng Titanic na bumangga sa isang malaking iceberg mahigit 100 taon na ang nakalilipas. Mahigit 1,500 ang nasawi sa nasabing insidente.