Masayang ikinuwento ni "Linlang" lead star Kim Chiu ang kaniyang karanasan nang makyompal siya ng nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano, sa naganap na media conference ng nabanggit na serye nitong araw ng Lunes, Oktubre 2, sa Cinema 76, Tomas Morato, Quezon City.

Ayon kay Kim, "nayanig" daw talaga ang pagkatao niyang matikman ang sampal ng Diamond Star; at sa halip na masaktan, isang karangalan daw sa kaniyang maranasan ito.

Biro pa ni Kimmy, agad daw siyang binigyan ni "Inay Marya" ng ointment na pampawala ng maga, na nabibili pa raw sa Hongkong, bagay na pinatotohanan naman ng beteranang aktres.

Ayon naman kay Marya, hindi niya kasi puwedeng dayain ang emosyon at eksena dahil nakakagalit naman daw talaga ang ginawa ng karakter ni Kim na si "Juliana" sa kaniyang mga anak sa kuwento, na ginampanan nina Paulo Avelino at JM De Guzman.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Tinuhog mo dalawang anak ko eh," ani Maricel na ikinahalakhak naman ng press people.

Alam naman ng lahat sa showbiz industry na itinuturing na "karangalan" kapag nasampal na ni Maricel.

Sey naman ni Ruby Ruiz na isa pang mahusay na aktres, hindi pa siya nasampal ni Marya sa eksena subalit hindi lang naman daw sampal ang gusto niya pang maranasan sa kaniya, kundi pati na ang pakikipagbatuhan ng linya rito.

Nagbigay rin ng kanilang karanasan ang bawat cast members kung paano katrabaho ang nag-iisang Diamond Star.

Mapapanood ang "Linlang" sa Prime Video sa iba't ibang panig ng mundo sa darating na Oktubre 5, na may 14 na episodes.