Napanatili ng bagyong Jenny ang lakas nito habang kumikilos pa-north northwest sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ng hapon, Oktubre 3.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng Typhoon Jenny 325 kilometro ang layo sa East Northeast ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour at pagbugsong 190 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-north northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Dahil dito, nananatili pa rin sa Signal No. 2 ang Batanes.
"Minor to moderate impacts from gale-force winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 2," paalala ng PAGASA.
Samantala, nakataas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
- Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
- Northern at eastern portions ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Tumauini, Cabagan, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Dinapigue, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Quirino, Delfin Albano, Quezon, Mallig)
- Apayao
- Northeastern portion ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong)
- Northern portion ng Kalinga (Balbalan, Pinukpuk, Rizal, City of Tabuk)
- Ilocos Norte
“Minimal to minor impacts from strong winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” saad ng PAGASA.
“The most likely highest Wind Signal that will be hoisted is Wind Signal No. 3,” dagdag pa nito.
Samantala, patuloy umanong palalakasin ng Typhoon Jenny ang southwest monsoon o habagat, na posible namang magdala ng occasional hanggang monsoon rains sa western portions ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas sa susunod na tatlong araw.
Inaasahan naman umanong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa Huwebes ng umaga o tanghali, Oktubre 5.