Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng gabi na nakapagtala pa sila ng 1,231 bagong kaso ng Covid-19 mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1.
Base sa inilabas na National Covid-19 Case Bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw sa nasabing linggo ay nasa 176.
Mas mataas anila ito ng 6% kung ikukumpara sa mga kaso noong Setyembre 18 hanggang 24.
Sa mga bagong kaso, walo sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Wala naman anilang naitalang pumanaw dahil sa sakit noong Setyembre 18 hanggang Oktubre 1.
Samantala, noong Oktubre 1, 2023, mayroong 189 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.
Ayon sa DOH, sa 1,133 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, 147 o 13.0% ang okupado habang sa 1,464 o 16.3% ng 9,008 non-ICU Covid-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.
Bagkus, dapat pa rin anilang ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.
Paalala pa ng DOH, palagian pa ring magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.
Sa sandali aniyang makaramdam ng sintomas ay kaagad na mag-isolate.
Para naman sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, payo ng DOH na magpabakuna at booster na laban sa virus.