Nasa ika-19 puwesto na ang Pilipinas, taglay ang siyam na medalya, sa medal tally sa pagpapatuloy ng 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Sa Facebook post ng Philippine Olympic Committee (POC) nitong Oktubre 2, naging pito na ang bronze medal ng Pilipinas, isang silver medal at isang gold medal na sinikwat ni pole vaulter EJ Obiena kamakailan.

Sa nasabing bilang ng medalya, isang silver ang nahablot ni Arnel Mandal (Wushu Sanda) at pawang bronze naman ang naibulsa nina Patrick Perez (Poomsae), Alex Eala (Tennis), Jones Llabres Inso (Tajijan Wushu), Gideon Padua (Wushu Sanda), Clemente Jr Tabugara (Wushu Sanda), Alex Eala at Francis Alcantara (Tennis Mixed Doubles), at Patrick Coo (BMX Cycling).

Mga tagasuporta ni VP Sara, nagtipon sa Davao,QC

Sa naturang medal tally, nangunguna pa rin ang People's Republic of China na humakot ng 244 medalya (133 gold, 72 silver at 39 bronze).

Ikalawa naman sa puwesto ang Republic of Korea na humakot ng 125 medalya (30 gold, 35 silver at 60 bronze) at ikatlo ang Japan na may 112 medalya (29 gold, 41 silver, at 42 bronze).

Sa kabila ng matamlay na kampanya ng Pilipinas sa Asian Games, nanawagan pa rin ang PCO na suportahan pa rin ang mga atletang Pinoy sa pag-asang madagdagan pa ang maiuuwing medalya.