"Ma, Pa, pasado ako sa board exam for teachers!"

Hindi napigilan ng education graduate na si Angelito C. Perater Jr., 23 anyos mula sa Cagayan De Oro at isang content creator, na mapahagulhol matapos niyang mapag-alamang nakapasa siya sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).

Nag-viral ang TikTok video ni Angelito matapos niyang ipagmalaki ang kaniyang pagtatagumpay matapos maka-graduate, sa kursong Bachelor of Secondary Education major in English.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Angelito, isinalaysay niya ang dahilan kung bakit siya naiyak nang husto nang malaman niyang pasado na siya sa board, at puwede na siyang tawaging licensed professional teacher o LPT.

Aniya, napressure siyang makapasa dahil Cum Laude graduate siya at ayaw niyang biguin ang mga paghihirap at sakripisyo ng kaniyang mga magulang para lamang makatapos siya ng pag-aaral.

"Sa totoo lang, laki po ako sa hirap. Mahirap po kami, magsasaka ang hanapbuhay ng pamilya. Kung walang ani walang makain. Pero hangga't makapasok ako ng paaralan ay pinagbubutihan ko palagi. Isa pa graduate po ako as Cum laude at pressure din sa akin yung di papasa sa Board Exam for Teachers," ani Angelito.

"Kaya nung malaman kong pumasa ako, napaiyak po talaga ako kasi naaalala ko tuloy yung mga paghihirap ko, ng pamilya ko at LAHAT ng sakripisyo namin ay nasuklian sa tamang oras at panahon."

May mensahe naman si Angelito sa mga kagaya niyang board takers.

"Tatlong bagay lang ang masasabi ko para sa mga Board takers na base sa experiences ko. Una, mag STUDY. Impossible na maging knowledgeable tayo sa mga lalabas na tanong sa exam kung di natin aralin at paghandaan."

"Pangalawa, FOCUS. Alam ko na marami pang bagay na importanti sa buhay, pero uunahin mo muna ang pag aaral, I recommend na mag review center."

"Pangatlo at panghuli, PRAY. Libre lang naman magdasal at humingi ng kapatawan at tulong sa Panginoon, libre lang lahat yun pero napakalaki ng sukli."

"Alam kong iba-iba tayo bawat isa sa pamamaraan ng pagkatuto pero isang bagay lang masisiguro ko na tayo'y magkapareho, yun ang magdasal."

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 5.3M views ang kaniyang viral video.

Congrats, Angelito!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!