Itinaas na sa Signal No. 2 ang Batanes dahil sa patuloy na lumalakas na Typhoon Jenny, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng gabi, Oktubre 2.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng gabi, huling namataan ang sentro ng Typhoon Jenny 410 kilometro ang layo sa silangan ng Basco, Batanes, na may lakas ng hanging aabot sa 165 kilometers per hour at pagbugsong 205 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas na sa Signal No. 2 ang Batanes.
"Minor to moderate impacts from gale-force winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 2," saad ng PAGASA.
Samantala, nakataas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
- Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
- Northern at eastern portions ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Tumauini, Cabagan, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Dinapigue, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Quirino, Delfin Albano, Quezon, Mallig)
- Apayao
- Northeastern portion ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong)
- Northern portion ng Kalinga (Balbalan, Pinukpuk, Rizal, City of Tabuk)
- Ilocos Norte
“Minimal to minor impacts from strong winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” anang PAGASA.
Patuloy naman umanong palalakasin ng Typhoon Jenny ang southwest monsoon o habagat, na posible namang magdala ng occasional hanggang monsoon rains sa western portions ng Central Luzon, Southern Luzon, Visayas, at Mindanao sa susunod na tatlong araw.
Inaasahan naman umanong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa Huwebes ng tanghali, Oktubre 5.