Magtutulungan ang Commission on Elections (Comelec) at ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pag-usig sa mga taong sangkot sa pamimili at pagbebenta ng kanilang boto.
Nitong Lunes ay lumagda ang poll body at ang PAO ng isang memorandum of agreement (MOA) para sa isang kooperasyon laban sa vote-buying at vote-selling.
Mismong sina Comelec chairperson George Erwin Garcia at PAO chief Atty. Persida Acosta, ang nanguna sa naturang MOA signing, na isinagawa ilang araw bago ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Garcia na kailangan ang naturang kooperasyon ng dalawang ahensiya upang lunasan ang modernong kanser sa demokrasya.
Ayon kay Garcia, nangangahulugan lang ito na hindi maaaring palagpasin nila ang halalang ito at ang mga susunod na eleksyon nang hindi kasama ang PAO sa paglaban, lalong-lalo na aniya sa modernong cancer na ito.
“Yan ay para ma-empower natin ang mga kababayan na maglakas-loob na dumulog at pumunta sa Comelec upang magreklamo. Hindi lang sa pamimili kundi sa pamimigay at pagtanggap ng mga goods, ng money at promises mula sa mga candidates,” dagdag pa ni Garcia.
Sinabi naman ni Acosta na ang kanilang kooperasyon ay makatutulong sa pagprotekta sa kasagraduhan ng tinig ng mga mamamayan at magpapatibay sa demokrasya ng bansa, gayundin sa rule of law.
Ang 2023 BSKE ay nakatakda nang idaos sa Oktubre 30.