Bulkang Mayon, 8 beses pang yumanig
Nagkaroon pa ng walong volcanic earthquake ang Mayon sa nakaraang 24 oras.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), bukod sa mga pagyanig ay naitala rin nito ang 125 rockfall events at dalawang pyroclastic density current (PDC) events.
Nagbuga rin ito ng 1,593 tonelada ng sulfur dioxide nitong Oktubre 1, 2023.
Umabot din sa 100 metrong taas ang pinakawalang usok ng bulkan at ito ay napadpad sa hilagang-silangan at timog silangan.
Naobserbahan din ang lava flow sa 3.4 kilometrong bahagi ng Bonga Gully, 2.8 kilometro naman sa Mi-isi Gully at 1.1 kilometro sa Basug Gully.
Babala ng Phivolcs, bawal pa ring lumapit o pumasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone ng bulkan dahil sa nakaambang pag-agos ng lava, pagbuga ng mga bato at pagputok nito.
Nasa Level 3 pa rin ang alert status ng Mayon Volcano, dagdag pa ng ahensya.