Naging matagumpay sa kabuuan ang pagbabalik ng "The ABS-CBN Ball 2023" na ginanap nitong Setyembre 30 ng gabi sa Makati Shangri-La sa Makati City.
Bukod sa Kapamilya stars at executives, inimbitahan din ang iba't ibang personalidad na naging ka-partner ng ABS-CBN para sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon sa kabila ng kawalan ng prangkisa.
At historic talaga ang naganap dahil sa kauna-unahang pagkakataon, dumalo sa nabanggit na showbiz event ang dalawang ehekutibo ng GMA Network na sina GMA Chairman Atty. Felipe Gozon at anak niyang si Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes.
Marami ang natuwa dahil senyales na talaga ito na wala nang "network wars" sa pagitan ng ABS-CBN at GMA Network na dalawa sa itinuturing na pinakamahigpit na magkaribal noon pa man.
Subalit sa kawalan nga ng prangkisa ng Kapamilya Network at dulot na rin ng ilang mga pagbabago, nagkaroon ng pagkakaibigan at kolaborasyon sa pagitan ng dalawa.
Una na riyan ang pagpapanood ng mga klasiko at tumatak na pelikula ng Star Cinema, movie outlet ng ABS, sa GMA Network.
Sumunod, ang ilang markadong shows ng Kapuso Network ay napapanood sa iWantTFC streaming app ng Kapamilya.
Pagkatapos, nagkaroon ng sanib-puwersa ang dalawa sa pag-produce ng seryeng "Unbreak My Heart" kasama ang Viu Philippines.
At panghuli, pagpapalabas ng noontime show na "It's Showtime" sa GTV channel 11.
Noong GMA Gala 2023 na pangalawang beses na ng network, dumalo rin naman ang ABS-CBN execs na sina President and CEO Carlo Katigbak at COO for Broadcast Cory Vidanes kaya amanos na rin.