Nasa protective custody na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tatlong menor de edad na nire-recruit ng umano'y kulto sa Socorro, Surigao del Norte.

Ito ang isinapubliko ni Senator Risa Hontiveros sa panayam sa radyo nitong Linggo.

Bilang bahagi aniya ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), kinuha na muna ng DSWD ang tatlong menor de edad para sa kanilang proteksyon.

Sa kabuuan aniya, nasa siyam na menor de edad na ang nasa pangangalaga ng DSWD.

Kabilang din aniya sa isinailalim sa protective custody ang apat na adults na tumestigo sa Senado.

Umaasa rin si Hontiveros na tetestigo rin sa susunod na hearing ang mga adults laban sa mga lider ng Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI).

"Sa tingin ko po ang mga naging malinaw at hari-nawa lalabas sa findings ng committee report ay unang-una, mga biktima ng trafficking itong mga bata. At kaya nga sila isina-protective custody ng DSWD at DOJ (Department of Justice) sa ilalim ng IACAT dahil pinagsamantalahan 'yung kanilang vulnerability bilang mga menor de edad at pinagsamantalahan 'yung kanilang mga status," dagdag pa ng senador.