Naglabas na ng pahayag ang social media personality na si Toni Fowler o mas kilalang “Mommy Oni” sa kaniyang Facebook page nitong Biyernes, Setyembre 29, kaugnay sa kasong kriminal na isinampa sa kaniya ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBPI).
“Noong Miyerkules, opisyal na isinampa ng KSMBPI ang kaso laban sa akin dahil daw sa paglabag ko sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Ayon sa kanila, nilabag ko ang batas dahil sa tema ng aking kantang MPL, kasama ang mga napanood nila sa music video nito. Ayon din sa kanilang media interview, kab*stusan ang kanta pati na rin ang mga “s3x organs” na ipinakita ko daw sa music video,” saad ni Mommy Oni sa caption ng kaniyang post.
Isa-isa niyang pinuna at sinagot ang mga kasinungalingan umanong ibinato sa kaniya ng nasabing samahan.
“Una, Hindi ako nagpakita ng s3x organs kung hindi s3x toys, linawin po ninyo iyan. Hindi ko kayo masisisi kung epekto na ng inyong katandaan ang pagkakaroon ng malabong mata, pero huwag po tayong magsisinungaling lalo na’t krimiinal ang ikinakaso ninyo laban sa akin. Hindi din ho magandang halimbawa sa mga bata ang pagsisinungaling.
“Ikalawa, gaya ng kalayaan ninyong tawagin akong b@stos, m@laswa, at hindi magandang halimbawa tulad ng aking kanta, may kalayaan din akong ariin ang aking sarili. Kasama dito ang pag-aari ko sa aking katawan, sa aking pagkababae, at higit sa lahat ang pag-aari ko sa nais kong gawin, sabihin, kantahin, o sayawin dahil hindi nito binabawasan o inaapakan ang karapatan ng ibang tao. Hindi ninyo pag-aari ang mga ito. Katawan ko, kwento ko, lib*g ko, opinyon ko, at pagkakababae ko - akin ito at hindi sa inyo.
“Ikatlo, wala kayong puwang para sabihan at pagbawalan ako. Hindi ninyo lugar ang pagbawalan ang mga babaeng gaya ko —gaya ng pagbabawal ninyo sa aming kilos, pananamit, pati na rin sa pakikipag-usap. Hindi kayo ang karapat-dapat na manguna sa pagpuna lalo na sa mga usaping s3xual naming kababaihan dahil unang-una, hindi ito bawal at hindi kayo babae. Bahagi ng bawat tao ang lib*g, at bahagi ng ating karanasan ang pakikipag-talik at pag-gamit ng s3x toys. Hindi ko na kasalanan kung hindi ninyo ito naranasan o nararanasan dahil hindi ko pipigilan ang aking sarili para lamang sa mga gaya ninyo. At kung sakali man dumating ang araw na ipakita ko ang ari ko o kahit ano mang sensitibong bahagi ng katawan ko sa pelikula man o music video, wala kayong pakielam dahil tulad ng MPL, hindi ko pinilit ipanood sa inyo ang mga ito.
“Ikaapat, kung nagawa natin magsampa ng kaso, sana ay nagawa din natin mag research nang maigi dahil may BTS Vlog ang MV ng MPL at doon namin pinakita na pinalitan ng juice ang tequila at wala akong pinainom na alak sa kahit sino pa man sa aking mga nakasama. “Daya” ho ang tawag dito ng mga filmmakers. For artistic purposes ang eksena hindi dahil sa gusto naming i-promote ang pag-inom ng tequila kung hindi reyalidad ito. Hindi naman bawal ipakita sa pelikula o TV ang mga bawal sa batas dahil kung ganon, bakit maraming eksena ng p@tayan ang naeere sa prime time, hindi ba? Nakakatawang isipin na tila ba hindi nag-e-exist ang salitang “props” o “daya” na ang isang eksena ng inuman ay kailangan alak talaga ang ipainom para ipaliwanag ko pa ito ngayon. Hindi naman ako ang kauna-unahang gumawa ng ganitong eksena sa balat ng pelikula o telebisyon, pero bakit parang kasalanan ko?
“Panglima, walang minor na gumawa ng s3xual na eksena. kung tutuuisin eh ano bang pinagkaiba nun sa mga teenage actors and actresses na gumagawa ng mga s3xual na eksena sa TV tulad ng mga panghahal@y sa mga drama? Ano ho ba ang pinagkaiba nito sa mga child actors na parte ng isang R-18 na pelikula? Isa pa, hindi na dapat natin sine-censor ang usaping sekswal sa mga kabataan dahil bahagi ito ng ating katawan at karanasan. Hindi dapat nakakaramdam ng pandidirii at pagkahiya ang kahit na sino pa pag pinag-uusapan, napapanood, o naririnig ang sekswal na parte ng ating katawan o ang mismong ideya ng pakikipagt@lik dahil mas itinutulak nito ang karamihan para maging bukas at matapang sa iba pang usaping konektado dito tulad ng panghahal@y, hindi planadong pagbubuntis, at iba pang bagay na kadalasang kaming mga kababaihan ang nakakaranas.
Sa huling bahagi, sinabi ni Mommy Oni na matapang umano niyang haharapin ang mga kasong isinampa sa kaniya at ginamit pa niya ang sikat na linya sa kaniyang kontrobersiyal na kantang “M.P.L.” bilang panapos sa nasabing pahayag.
“Kahit na ano pa ang itawag ninyo sa akin, taas noo ko itong haharapin at sasabihing ako’y tahimik lang sa umpisa, pero marunong akong lumaban kahit di ninyo ako pilitin.”
Matatandaang bukod kay Toni, sinampahan din ng nasabing samahan ang mag-partner na sina Vice Ganda at Ion Perez dahil umano sa mahalay na paraan ng pagkain ng cake sa isang segment na “Isip Bata” ng noontime show na “It’s Showtime”.
MAKI-BALITA: Toni Fowler sinampahan ng kasong kriminal ng socmed broadcasters