Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapalabas ng ₱12.7 bilyong ayuda para sa maliliit na magsasaka sa bansa.

Paglilinaw ng Malacañang, layunin nitong matulungan ang mga magsasaka upang mapanatili ang kanilang masaganang ani.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, inaprubahan ni Marcos ang funding requirements para sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) nitong Huwebes.

Nasa 2.3 milyong maliliit na magsasaka ang makikinabang sa programa kung saan mabibigyan ng tig-₱5,000 financial assistance ang mga ito.

Paglilinaw ng Malacañang, kabilang sa makikinabang ang mga nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) nitong Hunyo 30.

“The RFFA is an unconditional financial assistance for farmers tilling below two hectares of land as mandated under Republic Act (RA) No. 11598, or the Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2021,” pagdidiin pa ni Garafil.