Napanatili ng Tropical Storm Jenny ang lakas nito habang kumikilos pa-west southwest sa Philippine Sea sa bilis na 35 kilometers per hour, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Setyembre 30.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Jenny 1,025 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong 80 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, sa ngayon ay walang direktang epekto ang Tropical Storm Jenny sa bansa. Gayunpaman, dahil umano sa proximity ng track forecast sa Extreme Northern Luzon, maaari magkaroon ng pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands sa Martes, Oktubre 3, o sa Miyerkules, Oktubre 4.
Bukod dito, posible umanong palakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na magreresulta sa posibleng ilang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas bukas, Linggo, Oktubre 1.
“The current forecast scenario shows that Tropical Cyclone Wind Signals may be hoisted over Extreme Northern Luzon tomorrow or on Monday in anticipation of the onset of tropical cyclone severe winds. However, the hoisting may happen earlier should there be changes in the forecast scenario,” anang PAGASA.
Inaasahan namang patuloy na lalakas ang bagyong Jenny at maaari umano itong umabot sa severe tropical storm category bukas. Maaari rin umano itong itaas sa kategoryang Typhoon pagsapit ng Lunes ng gabi, Oktubre 2, o sa Martes.