Tinatayang 50% ng mga Pilipino sa bansa ang hindi nasisiyahan sa K to 12 Basic Education program, samantalang 89% ang nagsabing mas gusto nila ang dating academic calendar na Hunyo hanggang Marso, ayon sa survey na inilabas ng Social Weather Station (SWS).
Sa tala ng SWS noong Huwebes, Setyembre 28, 50% ng mga Pilipino ang “dissatisfied” sa K-12 program habang 39% umano ang “satisfied” dito.
Nasa 9% naman daw ang undecided, habang 2% ang hindi pa makapagbigay ng opinyon sa naturang usapin.
Samantala, ayon din sa SWS, 89% ng mga Pinoy ang gusto nila ang dating academic calendar na Hunyo hanggang Marso, habang 10% lamang umano ang mas gusto ng kasalukuyang academic calendar na Setyembre hanggang Hunyo.
Tinatayang 1% naman umano ang hindi nagbigay ng kanilang “preference” ng academic calendar.
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 1 sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.5%.