Humiling ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng dagdag na mahigit ₱5 milyong budget para umano sa “honorarium” ng bawat board member na dumadalo sa bawat meeting ng ahensya.
Sa wish list ng board na binasa ni Senador Jinggoy Estrada sa isinagawang pagdinig ng senado para sa proposed 2024 budget ng MTRCB noong Miyerkules, Setyembre 27, nakasaad ang kahilingan ng ahensya na ₱10,000 honorarium para sa bawat board member na dadalo ng kanilang meeting.
Mayroon umanong 30 board members ang MTRCB.
“An honorarium of ₱10,000 for every board meeting shall be given to a board member for his/her attendance amounting to ₱5.120 million per year,” nakasaad sa wish list na binasa ni Jinggoy.
Ayon kay MTRCB chair Lala Sotto, isang beses sa isang buwan nagsasagawa ang ahensya ng board meeting. Bukod pa umano rito ang kanilang special board meetings.
“We conduct our board meetings on a monthly basis, once a month, with 30 board members. But we also have special board meetings at times,” ani Lala.
Samantala, humiling din ang board ng ₱19 milyon para sa "developmental activities” ng MTRCB.
Nang tanungin kung anong pinatutungkulan ng developmental activities, inihayag ni Lala na bilang isang “developmental body” ay bumuo umano sila ng mga programa at proyekto para sa ahensya.
"We have the new campaign of the MTRCB, which is the 'Responsableng Panonood Campaign,’ wherein we involve the parents, equipping and empowering them to be able to be responsible for the viewing habits of their children,” paliwanag ni Lala.
"We will be coming up with parent partnership programs. We will be going around the country to train them, conducting seminars, trainings, fora, webinars. If this is a training, equipping the parents to be involved, it cannot be a one-day training. So kinakailangan po na babalikan sila, iikutin po ang iba't ibang lugar sa ating bansa.”
“Under that, we will also have 'Pulong', which is involving our stakeholders in coordination and co-regulation with the MTRCB. And to equip our board members who are technically challenged because of the changing landscape of the audio-visual consumption and distribution," saad pa niya.
Bukod dito, humirit din ang ahensya ng pondo para umano sa sahod ng kanilang karagdagang job order employees.